1917 One Centavo Philippine Old Coin Value o Halaga

Meron po tayong mga larawan dito ng lumang baryang 1917 na 1 Centavo Philippine Old Coin na siyang atin pong pag-uusapan sa post na ito. Ang lumang barya po na ito ay sadyang napaka luma kung saan ay masasabi po nating ito ay isang antigong bagay.

Ayon po kay Google, ang isang bagay ay masasabi po natin itong ay antigo kung meron na po itong edad na umaabot sa isang daan o higit pa.

Paano naman kung ang isang tao ay umabot sa edad na isang daan o higit pa? Ang tawag rin ba sa kanila ay mga “antigong tao”?


Ayon po sa aking sariling pagsasaliksik, hindi po antigong tao ang tawag sa mga taong umabot sa edad na isang daan o higit pa. Sila po ay tinatawag na “centenarian”. Kapag umabot naman po sila ng edad na isang daan at sampu o higit pa, sila po ay tinatawag na “super centenarian”.


1917 One Centavo Philippine Old Coin

Ang ating 1917 na 1 centavo coin ay meron na po kaya itong edad na isang daan o higit pa?


Isang simpleng kalkulasyon lang naman at ating masasagot ang katanungan na ito. Base po sa aking naging kalkulasyon, ang edad po nito ngayong tayong 2022 ay nasa isang daan at lima. Dahil dito ay nasa higit isang daang taon na edad ang ating 1917 na 1 centavo coin kaya pwede po nating tawagin na ito ay isang antigong bagay.


Dapat po tayong magpasalamat sa ating mga lolo at lola na na-ngolekta ng mga barya at maingat po nilang tinago. Dahil po sa kanila ay meron po tayong naabutan na mga antigong lumang barya na pwede po nating bilhin at idagdag sa ating iniingatan na mga baryang koleksyon.


Marami po tayong mga ka-barya na nagpakita ng larawan ng kanilang mga lumang barya na 1917 one centavo coin. At ang madalas po nilang itanong ay kung magkano ang bentahan o halaga nito ngayon? Umaabot kaya ito ng isang milyon? O ito kaya ay walang halaga kundi isa pawang basura na lamang?


Bago po natin sagutin ang mga katanungan na ito ay atin po munang kilalanin ang mga nakaukit na detalye sa harap at likurang bahagi ng ating 1917 na one centavo coin.


Obverse o Harapan na Bahagi ng 1917 One Centavo Coin


1917 1 Centavo Philippine Old Coin Obverse

Ang tawag po sa harapan na bahagi ng lumang barya sa wikang Ingles ay “obverse” at ang likurang bahagi naman po nito ay “reverse”. Ang atin pong nakikita sa larawan na ito ay ang obverse o harapan na bahagi ng ating 1917 one centavo coin. Ang masasabi ko po dito ay sadyang simple, malinis, at maganda ang kanyang pagka disenyo.


Meron po tayong nakikita dito na isang nakaukit na agila. At ang kanyang pakpak ay nakabukas po ito kung saan ay sumasagisag po ng kalayaan.


Sa ilalim po ng nakaukit na agila ay ang kinatatayuan po nito na isang kalasag. Wala po itong gaanong mga disenyo kung tanging mga bituin na nasa itaas po nitong bahagi. Akin po itong binilang at ang mga ito ay nasa labing tatlo.


Ang gilid na bahagi naman po nito ay may nakaukit na mga detalyeng UNITED STATES OF AMERICA at taon na 1917. Marahil ay iyong ipinagtataka kung bakit ang nakaukit sa ating lumang barya na ito ay United States of America at hindi po Republika ng Pilipinas?


Ang paliwanag po sa katanungan na ito ay nakasulat sa ating kasaysayan kung saan ang Pilipinas ay sinakop ng mga Amerikano. At sa kanilang pamamalakad ay sila ang gumawa ng mga barya na ating ginamit sa sirkulasyon na kung tawagin ay mga US Administration coins. Eto po ang siyang dahilan kung bakit ang ating mga lumang barya na may taong 1903 hanggang 1967 ay meron po silang nakaukit na detalye na may kaugnayan sa bansang Amerika.

Eto pong muli ang mga nakaukit na detalye sa harapang bahagi ng ating 1917 na one centavo coin:


  • UNITED STATES OF AMERICA

  • 1917

  • Agila na nasa ibabaw ng kalasag


Reverse o Likurang Bahagi ng 1917 One Centavo Coin


1917 1 Centavo Philippine Old Coin Reverse

Eto naman po ang larawan sa likurang bahagi ng ating 1917 na one centavo coin. Atin pong makikita sa kanyang gitnang bahagi ang isang taong nakaupo na may hawak sa kanyang kanang kamay na martilyo. Wala po tayong ideya kung ano ang nais nitong ipahayag sa ating kaisipan pero base lamang po sa aking sariling opinyon, ito po ay nagpapakita na siya ay isang ordinaryong manggagawa.


Sa di kalayuan ay parang pinagmamasdan ng nakaupong tao ang isang umuusok na bulkan. Ang dahilan kung bakit nakadetalye ang usok nito ay dahil sa nagpapahiwatig ito na isa po itong aktibong bulkan. Base po sa aking nakalap na impormasyon, ang aktibong bulkan po na ito ay walang iba kundi ang kilalang bulkang Mayon.


Dito naman po sa gilid na bahagi ng ating lumang barya na ito ay nakaukit naman po ang mga detalyeng ONE CENTAVO at FILIPINAS. Alam naman po nating lahat na ang detalyeng one centavo ang siyang nagpapahayag sa halaga nito bilang isang barya. Pagdating naman po sa salitang Filipinas, ito naman po ay hango sa saling “Las Islas Filipinas” na ang ibig pong sabihin ay “Philip’s Islands”.


Eto pong muli ang mga nakaukit na detalye sa likurang bahagi ng ating 1917 na one centavo coin:


  • ONE CENTAVO

  • FILIPINAS

  • Nakaupong lalaki na may hawak na martilyo

  • Umuusok na bulkan o ang bulkang mayon


Mga Karagdagang Detalye ng 1917 One Centavo Coin


Material Composition


  • Ang 1917 na one centavo coin ay gawa po ito sa materyal na “bronze” o tanso.


Weight o Timbang


  • Ang timbang o bigat po nito ay nasa 4.7 grams.


Diameter


  • Ang diametro naman po nito ay nasa 24.8 mm.


Kapal o Thickness


  • At ang kapal po nito ay nasa 1.45 mm.


Price Value o Halaga ng 1917 One Centavo Coin

 

Ngayon ay atin naman pong pag-usapan kung magkano po ba ang bentahan sa mga 1917 na one centavo coin. Pero bago po natin alamin kung magkano ang value o halaga nito, nais ko munang ipagbigay alam na ang pagtukoy sa tamang value o halaga ng isang lumang barya ay meron po itong ilang mga batayan. At tanging mga eksperto lamang ang siyang makakapagsabi sa angkop nitong presyo.


Ako po ay hindi isang eksperto sa pagsuri para tukuyin ang tamang halaga ng isang lumang barya. Ang akin pong pamamaraan para tukuyin ang halaga ng mga ito ay sa pamamagitan lamang po ng pagtatanong sa mga community groups. At ito po ang siyang aking ginawa dito sa ating 1917 na 1 centavo coin.


Sa akin pong pagsasaliksik, ang halaga po ng 1917 na 1 centavo coin ay nasa 497.12 pesos.


Nais ko pong sabihin na ang halaga na ito ay maaaring magbago. Eto po ay maaaring tumaas o bumababa sa hinaharap. Sapagkat, ang bentahan sa mga lumang barya ay pabago-bago po ang mga ito dahil sa nakadepende po ito sa “supply” at “demand”.


Kung nais mo pong malaman ang latest price update sa bentahan ng 1917 na 1 centavo coin, meron po akong isang YouTube Channel na akin pong pinamagatang “Pinoy Coin Hunter”. Dito po ako madalas magbigay ng mga price updates sa ating mga lumang barya.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento