Dapat mo Bang Linisin ang Iyong Mga Lumang Barya

Ako po ay merong kagamitan na kung tawagin ay “metal detector”. At ang karaniwang gamit po nito ngayon ay para tulungan po tayong maghanap ng mga nawawalang bagay, partikular ang mga bagay na nakabaon sa ilalim na lupa.


Sa pamamagitan po ng aking metal detector ay meron po akong natagpuan na isang pisong lumang barya. Eto po ay isang 1985 na 1 Piso coin. Sadyang nangitim po ito dulot ng kanyang matagal na pagkakabaon sa ilalim ng lupa.


Meron po akong isang post kung saan ay atin pong napag usapan ang isa na rin pong nangitim na aking lumang barya. At ito po ay isang 1990 na 1 Piso coin. Dito po sa larawan na ito ay atin pong nakikita ang aking tinutukoy na dalawang nangitim na mga lumang barya.



Mas maitim po ang kulay ng 1985 na 1 Piso coin kumpara sa 1990. Ngunit kahit mas nangitim ang 1985, mas detalyado naman po ang mga nakaukit nitong mga detalye. Malinaw po nating nababasa ang mga detalyeng REPUBLIKA NG PILIPINAS, 1985, at JOSE RIZAL. Samantala, hindi na po natin mababasa ang pangalang JOSE RIZAL sa 1990.


Ngayon, sa kalagayan ng aking mga nangitim na lumang barya ay nakakabuti ba ito kung ang mga ito ay aking lilinisin?


Kung ang mga ito ay akin pong lilinisin, ang mga ito ay maaari muling magmukhang bago at lalabas ang kanilang kinang. Maliban dito ay maaaring mas maging malinaw ang mga nakaukit na mga detalye.


Pero base sa aking naging pagsasaliksik, ang paglilinis sa ating mga lumang barya ay kailangan po nating iwasan. Ayon po sa mga eksperto, mas makakabuti na hayaan na lamang natin ang mga ito.


Ano kaya ang dahilan?


Tatlong mga Dahilan kung bakit Iwasan Nating Linisin ang ating mga Lumang Barya


Una. Maaaring magdulot ito ng mga karagdagang gasgas.


Sa panahon po natin ngayon ay marami na pong naglalabasan na iba’t ibang uri ng mga produkto na pwede po nating gamitin na panlinis sa ating mga lumang barya. Ngunit ang problema sa produktong ito ay meron po silang mga kemikal na siyang pwedeng magdulot ng tuluyang pagkasira sa ating mga lumang barya.


Base lamang po sa aking mga karanasan sa paggamit ng mga produktong ito, pansamantalang kinang o kintab lamang sa ating mga lumang barya ang maibibigay nito. Sapagkat hindi magtatagal ay babalik din ang mga ito sa nangingitim nilang kulay. Kaya para ating mapanatili ang makinang at makintab nilang kulay, kailangan po nating madalas gamitin ang produkto.


Ang karamihan po sa mga produktong pwede nating gamitin na panlinis sa ating mga lumang barya ay ang tinatawag po nilang “metal polish”. At ang mga metal polish po ay meron po itong halong uri ng kemikal na nagdudulot ng maliliit na mga gasgas. Hindi po madaling makita ang mga gasgas na ito sa ating mga mata. Kailangan po natin ng “magnifying glass” para makita ang mga ito.


Kaya kung ibebenta po natin ang ating lumang barya na atin pong nilinis ng metal polish, makikita po ng eksperto ang mga maliliit na gasgas nito. At ang mga maliliit na mga gasgas na ito ay meron po itong masamang epekto sa magiging value o halaga nito.


Pangalawa. Maaaring masira ang natural na kintab o kinang nito.


Ang mga barya ay meron po ang mga itong natural na kintab o kinang. At bilang mga kolektor, ito po ang siyang ating pinapangalagaan sa ating mga tinatagong barya.


Ngayon, ang mga produkto tulad po ng mga metal polisher ay sadyang nakakapag pakintab po ito sa ating mga lumang barya. Pero meron po itong masamang epekto. Sa kadalasan, kapag kumapit ang kemikal sa ating lumang barya, mahirap na po itong tanggalin. Meron po itong isang uri ng kemikal na hindi natin nakikita sa ating mga mata at mahirap itong tanggalin kahit ilang beses na natin itong pinunasan. At ito ang siyang magdudulot ng paninira sa natural nitong kintab o kinang.


Pangatlo. Hindi kasali sa halaga ang paglinis sa ating mga lumang barya.


Kung ang iyong pakay ay ang linisin ang iyong mga lumang barya para magmukha itong bago at magkaroon ng mas mataas na halaga, ikinalulungkot ko na ito ay isang karaniwang maling paniniwala. Dapat po nating malaman na hindi po kasali sa halaga ng ating lumang barya kung lilinisin po natin ang mga ito. Gaya po ng aking sinabi kanina, maaaring magdulot lamang ito ng mga gasgas na siyang pwedeng makaapekto sa pagbaba ng halaga ng mga ito.


Sa madaling salita, mas makakabuti kung huwag na lamang nating linisin ang ating mga lumang barya.



Atin pong balikan ang aking dalawang maitim na mga isang pisong lumang barya. Dahil sa mga bagay na atin pong napag-usapan dito, hahayaan ko na po ang mga ito sa ganitong kondisyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento